Monday, October 19, 2009

MAIKLING KWENTO


“DINO”

Lagi ko siyang nakikita. Siya ay isang batang animo’y walang magulang. Siya ay napababayaan. Isang palit na walang kamuwang-muwang sa mundo.

Kauulan lang noon. Nakita ko ulit siya. Siya nga pala si Dino pitong taong gulang na siya pero mukhang four years old, kapi’t bahay namin. Nakita ko siyang may dalang basahan. Nakadikit ang bassahan sa kaniyang nguso. Sa punto de vista ko ay sinisipsip niya yun. Nagulat ako ng isawsaw niya sa kalderong kinainan ng aso ang basahan. Muli sinipsip niya ito. Nakita ko sa kanyang mga mata na sarap na sarap siya sa kanyang ginagawa. Napaisip ako….

NAsaan ang magulang ng batang ito? Nasaan?

“DINO! DINO!” isang sigaw ang narinig ko. Kung di ako nagkakamali si aling Merly yun. Yung nanay ni Dino.

Ilang araw ko din siyang di nakita. Ang sabi ng tsismosang kubrador ng jueteng kay nanay may sakit daw yung bata. Nilalagnat daw, ilang araw na. Ang sabi ng daw ng albularyo nabati daw ng dwende. Sa isip ko hindi yun namatanda, baka may amoebiasis na yung bata.

Lumipas ang isang linggo. Muli kong nakita si Dino. Nandun ulit siya sa paborito niyang laruan. Inosenteng inosente siyang tignan. May napansin pa ako, payat na payat siya at malaki ang tiyan. Kung di ako nagkakamali, senyales na ito ng malnutrisyon.

May dalang baso si Dino. Naglalaro siya sa may baha. Natutuwa ako sa kanya. Musmos na musmos ang dating. Ilang saglit pa gusto nang mag-rally ng sikmura ko sa aking nakita. Pinuno ni Dino ang baso ng tubig baha at saka niya ito ininom.

“Dino!” napasigaw ako, “wag mong inumin yan madumi yan!”

Nagulat ako sa sagot niya, “bakit kuya? Masarap naman eto huh, lasang milo.” Gusto kong sumuka sa harap niya pero pinigilan ko. Alam ko na ang kahihinatnan ng batang ito.

Ilang araw lang ang nakalipas, nabalitaan kong may sakit na naman yung bata. Ang sabi na naman daw nung albularyo binalikan daw si Dino nung dwende. Sa mga narinig ko alam kong walang kaalam-alam ang nanay ni Dino sa tunay nitong kalagayan. Kaya naman minabuti ko nang puntahan si aling Merly sa bahay niya.

Kumatok ako sa pinto nila. Binuksan naman ni aling Merly yung pinto. Pinatuloy naman niya ako. Nung kamustahin ko si Dino, nakita ko ang luha sa mata ni aling Merly kahit na hindi ito tumulo. “Ah ayun natutulog. Mataas pa rin ang lagnat eh. Ilang araw na nga eh. Ang sabi ni Ka-Dencio binalikan daw siya nung dwende,” sabi niya. Halata sa boses ni aling Merly ang pag-aalala sa kanyang anak.

“Ano ang sabi ng duktor,” muli akong nagtanong.

“Duktor? Para sa mayayaman lang yong tulad niyo,” sagot niya. “Wala naman kaming pera para sa mga ganyan eh. Isa pa – “

Bigla siyang natigilan nang umungol si Dino. Napatingin ako sa kinahihigaan ng bata. Nilapitan siya ni aling Merly. Lumapit na rin ako. Nagulat ako ng biglang mangisay si Dino. Nagkukumbulsyon na yata siya. Wala kaming magawa ni aling Merly. Wala. Wala. Wala.

“Dalhin na natin siya sa ospital!” napasigaw na ako nung mga oras na ‘yon.

Pero sadya talagang malupit ang tadhana. Biglang tumigil sa pagkisay si Dino. Napanatag si aling Merly pero ako hindi. Tinignan ko ang pulso ni Dino.

WALA…

WALA…

WALA…

No comments:

Post a Comment